DAPAT WALANG LUNCH BREAK SA CONSULAR
BANTAY GOBYERNO March 18, 2010 SERIES 002
Ni Ka Iking Seneres
DAPAT WALANG LUNCH BREAK SA CONSULAR
Masakit sa kalooban ko ang magsulat laban sa DFA, dahil sa puso ko, ako ay isang tapat na Foreign Service Officer (FSO) pa rin. Ganoon pa man, hindi ko rin maiwasan na magsulat kung may nakikita akong pagkakamali, lalo na kung may kinalaman sa kapakanan ng taong bayan.
Dapat talagang ipaliwanag ni DFA Secretary Alberto Romulo kung bakit minadali niya ang paglipat ng consular section sa bagong building kahit hindi pa handa ito, kaya nga bumagsak ang kisame. Dapat niya ring ipaliwanag kung bakit pinilit niyang isingit ang pagpatupad ng e-passport kahit wala itong consultation, dahil ang plano nga naman ay machine readable passport lang.
Hindi ko pa sinasabi na may anomalya na sa pagpatupad ng e-passport. Ang sinasabi ko lang, dapat magpaliwanag si Romulo, dahil panahon ngayon ng election, at madaling magduda ang mga tao kung may mga biglaang pagkilos ang gobyerno, baka nga naman gumagawa na ng fund raising para sa gastos sa kampanya.
Sa halip na madaliin ni Romulo ang e-passport, dapat ay inuna niya muna ang problema ng haba ng pila sa consular. Nakakatawa namang isipin na bago na nga ang building ng consular, luma pa rin ang sistema kaya nga mahaba pa rin ang pila.
Mahaba na nga ang pila, hindi pa rin naisipan ni Romulo na maglagay ng tauhan sa mga service counters tuwing lunch break, upang humupa ng pila at upang huwag naman masayang ang oras ng mga tao na naghihintay habang kumakain ang consular staff.
Simple lang sana ang maaring gawin ni Romulo. Noong ako ay nasa Philippine Consulate pa sa New York, naisipan naming maglagay ng duty officers tuwing lunch break, dahil walang tigil pa rin ang dating ng tao kahit oras na ng tanghalian. Ang ginawa lang naming, pina-uuna naming kumain ang mga lunch duty officers, upang huwag naman silang magutom habang nagbibigay sila ng service sa mga applicants. Hindi ba iyan kayang ipatupad ni Romulo dito sa Home Office?
Supposed to be, high tech na ang sistema ng consular dahil e-passport na nga ang ipinatupad ni Romulo. Kung high-tech na ang sistema, dapat mas madali na para sa mga applicants, at hindi na sila masyadong mahirapan. Dahil sa mahaba pa rin ang pila, sasabihin ko na lang na high tech nga ang consular, low batt naman dahil mababaw pa rin ang level ng serbisyo.
Ayon sa aking source, gusto pa yata gayahin ni Romulo ang sistema ng US Embassy kung saan sa mga bangko na lang magbabayad ang mga tao. OK naman yan, ngunit dapat ayusin muna ni Romulo ang sistema at magsagawa muna siya ng consultation bago siya mag-decision. Gaya-gaya puto maya na nga siya, huwag naman sana siyang bara-bara.
Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa 09293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com
0 Comments:
Post a Comment
<< Home