BARA-BARA WALANG SISTEMA SA PASSPORT
BANTAY GOBYERNO Lunes, Marso 29, 2010 SERIES 005
Ni Ka Iking Seneres
BARA-BARA WALANG SISTEMA SA PASSPORT
Apat na ang nagsumbong sa akin magmula nang lumabas ang Bantay Gobyerno. Nauna na si Manny Bulatao at si Angel Averia, ngayon naman nagsumbong si Donato Quirino at si Federico Aquino. Kung kayo ay may reklamo sa gobyerno, magsumbong na rin kayo. Maliban pa sa diyaryo, pinapadala ko rin ang column ko sa mga senador at congressman kaya tiyak na maririnig ang reklamo ninyo!
Ayon kay Quirino, matagal na raw na naghahanap ng masumbungan ang mga applicant ng passport, dahil nga sa nagmahal ito bigla na hindi alam ng mga tao. Ito ang sinabi ni Quirino: “Good work! We need people who can speak for the poor and the weak in our society. Kudos to you, more power to you. The pen is really mightier than the sword. You will earn a lot of followers. I salute you for having no fears in hitting directly the culprits in government for nobody else will. You are my new hero”.
Ayon naman kay Aquino, sinamahan niya raw ang kanyang pamangkin sa pag-apply ng passport, at nagulat siya na wala pa ring maayos na sistema sa pag-apply ng passport. Bara-bara at magulo na, hinaluan pa daw ng kawalang galang at kabastusan dahil sa mga guardia na kung umasta ay parang mga pulis sa checkpoint. Nagtanong lang daw si Aquino kung saan siya magbabayad, sinagot daw siya ng guardia na may tonong galit, at tinanong pa siya kung marunong ba siya magbasa. Sabi ni Aquino, college graduate naman daw siya, kaya marunong siyang magbasa, ngunit ang karatula naman daw sa cashier ay napakaliit at halos hindi mabasa.
Nagtanong din si Aquino sa akin kung bakit may comfort room sa consular na exclusive lamang sa mga kawani ng DFA. Bakit nga ba? Mas mataas na uri ba sila kumpara sa mga karaniwang tao? Iba pa ba ang kanilang pangangailangan kung sila ay gumagamit ng palikuran? Di bale na kung si Secretary Alberto Romulo ay may sariling comfort room sa kanyang opisina dahil boss naman siya, ngunit bakit hiwalay pa ang comfort room ng kanyang mga tao?
Nakasagap din ng usap-usapan si Quirino na kaya daw bumilis ang pagpasok ng e-passport ay dahil may mga opisyal daw sa consular na binibigyan ng libreng ticket sa eroplano ng supplier ng e-passport, at sagot daw ng supplier pati lahat ng mga gastos nila sa abroad. Totoo kaya ito? Marahil totoo ito kung walang bidding ang pag-award ng e-passport contract. Kung ito nga ay dinaan lang sa palakasan, kailangan nga talagang mag PR ang supplier sa mga opisyal ng consular. Teka muna, hindi ba corruption ito? Kahit ticket at travel expenses lang ang ibinigay, pera pa rin yan kaya dapat imbestigahin na rin ito ni Romulo. Alam niya kaya ito?
Mukhang hindi alam ni Romulo ang mga kamalian sa consular, dahil seguro malayo na ito sa Roxas Boulevard. Nakarinig pa ng daw si Quirino ng usap-usapan ng mga taga DFA na sinabon daw ni Romulo ang hepe ng consular, dahil sa lumabas sa column ko. Ito pa ang sinabi ni Quirino: “Just to give you good news. May kagat ang column mo. The bite took Romulo to move and give orders to reprimand the head of consular”. Hindi kaya drama lang ito ni Romulo? Baka naman gusto niya lang palabasin na hindi niya alam ang mga kamalian at pinapasa lang niya ang paninisi? Sisihan blues!
Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa 09293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com
0 Comments:
Post a Comment
<< Home