Ka Iking Libre

An online forum of development issues in the Philippines

Tuesday, April 27, 2010

MAHABANG LUNCH BREAK SA GOBYERNO

BANTAY GOBYERNO Miyerkules, Marso 31, 2010 SERIES 006
Ni Ka Iking Seneres

MAHABANG LUNCH BREAK SA GOBYERNO

Nagsumbong si Mr. Alejandro Evangelista ng San Juan City tungkol sa sobrang mahaba at matagal na lunch break ng mga City Hall employees doon sa kanila. Ayon sa kanya, mga alas 10:30 pa lang daw ng umaga ay nawawala na ang mga employees sa mga service counters at kung bumalik sila ay halos mga 1:30 na ng hapon.

Ayon kay Mr. Evangelista, nag-react at sumang-ayon siya sa sinulat ko sa aking column na dapat walang lunch break as passport service ng DFA sa consular section, kung saan sinabi ko na dapat magtalaga na si Secretary Alberto Romulo ng mga duty officers tuwing lunch break, upang hindi maputol ang pag-bibigay ng service sa mga applicants, at upang mabawasan na rin ang haba ng pila.

Sa tingin ko, mahusay naman magpatakbo ng gobyerno si Mayor JV Ejercito, ngunit kahit ganoon pa man, maaring nalulusutan siya ng kanyang mga empleyado, dahil napakahirap nga naman para sa isang mayor na bantayan lahat ng nangyayari sa loob ng kanyang City Hall. In fairness naman kay Mayor JV, nangyayari naman ito sa halos lahat ng tanggapan ng gobyerno, local man o national, kaya hanapan na lang natin ng solusyon upang malutas ang problema na ito.

Kung 10:30 nga ang alis ng mga masuwerteng empleyado at 1:30 na ang kanilang pagbalik, tatlong oras talaga ang kanilang lunch break, at ang ibig sabihin niyan ay nakakanakaw sila ng dalawang oras sa loob ng isang araw. Sa tingin ko, isa nga itong uri ng pagnanakaw, at maari pang sabihin na ito ay isa ring uri ng corruption, dahil nababawasan nito ang kaban ng bayan kahit sa ibang pamamaraan.

Mahirap talaga para sa mga local at national officials na bantayan ang oras ng kanilang mga tauhan. Ika nga, mabigat na laban ito, ngunit may magagawa naman ang mga officials na ito kung pag-aaralan lang nila ang problema na ito. Halimbawa, marami namang mga efficiency experts sa private sector na maaring tumulong sa kanila. May mga software monitoring systems din na available at maari na nilang gamitin kung type nga nilang gumamit ng technology upang matapos na ang problema na ito.
Sa South Korea, gumamit na ng computer software ang mga local governments nila upang malaman kung gaano katagal lumakad ang papel mula sa isang empleyado papunta sa susunod na empleyado, sa loob ng isang proseso. Successful at proven na ang system na ito, at kinilala na nga ng United Nations ang local government ng Seoul sa matagumpay na pagpatupad nito.

Hindi naman lahat ng mga efficiency experts sa private sector ay naniningil ng pera upang ibigay ang kanilang serbisyo at kaalaman. Kahit pa man sila ay maningil, kaya naman seguro ng maraming local governments ang mga fees nila.

Sa aking pagsusulat, ayaw ko naman na puro salita lang ako, dahil gusto ko namang makatulong sa mga local governments kung talagang gusto nilang magbago na ng sistema. Kung efficiency experts o di kaya kung computer systems lang ang kailangan nila, makakahanap naman ako para sa kanila.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa 09293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

0 Comments:

Post a Comment

<< Home