Ka Iking Libre

An online forum of development issues in the Philippines

Tuesday, April 27, 2010

INTRAMUROS HARANG SA TURISTA

BANTAY GOBYERNO Biyernes, Abril 02, 2010 SERIES 007
Ni Ka Iking Seneres

INTRAMUROS HARANG SA TURISTA

Hindi na kailangan na may mag-sumbong pa kung ako mismo ang makakita. Ako ay nagpunta sa Intramuros noong isang araw, at nakita ko kung gaano ka dumi ang distritong ito na supposed to be ay bahagi ng tourist belt sa lungsod ng Maynila.

Sino na ba ang responsible ngayon sa paglilinis ng Intramuros? Ang city government ba ng Maynila o ang Intramuros Administration? Para sa akin, hindi na issue kung sino ang responsible. Kung sino man sa kanila, dapat gawin na nila ang kanilang tungkulin, at kung saka-sakaling silang dalawa ang responsible, dapat huwag na silang mag-turuan at dapat mag-tulongan na lang sila.

Sa isang bahagi ng Intramuros na malapit sa Letran, nakita ko ang dalawang canal na napakarumi, maitim at stagnant ang tubig at punong-puno ng basura. Sa tingin ko, health hazard na rin ito para sa mga estudyante, dahil maraming schools doon at parang bahagi na rin ito ng University Belt.

Kawawa naman ang mga turistang nagagawi sa Intramuros ngayon. Biro mo, nag-biyahe sila ng malayo para makakita lang ng maduming tourist spot na masakit sa mata kung tingnan. Kawawa din ang bayan natin, dahil hindi magandang makita ng mga turista ang dumi sa ating kapaligiran.

Harang sa turista ang nakikita nila sa Intramuros, at lumalabas na parang niloko lang natin sila sa kanilang pag-punta dito. Hindi naman nga tanga ang mga taong ito, kaya segurado ako na sa pagbalik nila sa kanilang mga bayan, masamang kuwento ang kanilang gagawin sa kanilang mga kababayan kaya tiyak na wala nang susunod sa kanila sa pagpunta dito.

Sa isang bahagi ng Intramuros na ayon sa marker ay dating original location ito ng UST, puro talahib na lang ang nakikita at halatang halata ito dahil nasa tabi lang ito ng Manila Cathedral. Sino ba ang may-ari ng ruins na ito? Ang simbahan pa rin ba o ang gobyerno na? di bale na kung sino, dapat ayusin na lang ito. Gaya ng sinabi ko, huwag na sanang magturuan ang gobyerno at simbahan, dahil dapat pagtulungan na lang nila ito. Sa ibang bansa katulad ng Greece, tourist attraction pa rin kahit ang mga ruins.
Sa ibang mga bansa sa Asia, more than 10 million na ang kanilang mga tourist arrivals, samantalang dito sa atin, kulang-kulang pa sa 5 million ang mga turista. Sa sarili kong pagbibilang, sobra sa 4 million sa mga arrivals ay mga Pilipino rin na umuuwi kaya hindi natin sila matatawag na tunay na turista. Sa makatuwid, halos 1 million lang ang mga dayuhang turista, kaya kumpara sa ibang mga bayan sa Asia, 10% lang ng tourists nila ang totoong arrivals natin.

Mukhang masipag naman itong si DOT Secretary Ace Durano, ngunit kung hindi niya nagawang i-angat ang numero ng turista sa loob ng kanyang termino, hindi ko masasabi na matagumpay siya sa kanyang tungkulin. Ang dapat niyang gawin, linisin niya muna ang mga maduduming mga tourist spots, dahil kung pangit ang kanyang mga produkto, sino naman kayang gago ang bibili nito? Kung puro papogi nga ang ginagawa ni Durano, pangit pa rin ang kanyang dating kung pangit ang ating mga tourist attractions. Kahit sa mga Filipino na umuuwi, pangit pa ring ipakita ang mga ito.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

0 Comments:

Post a Comment

<< Home