DAANAN NG MGA TAO, INAAGAW NG GOBYERNO
BANTAY GOBYERNO Biyernes, Abril 09, 2010 SERIES 008
Ni Ka Iking Seneres
DAANAN NG MGA TAO, INAAGAW NG GOBYERNO
Nagsumbong si Dra. Cora Claudio, isang environmentalist na napakarami na raw mga local government na hinahayaan na lang ang mga malalaking negosyante na agawin ang mga sidewalks at mga beaches para sa kanilang pansariling interest. Sa totoo lang, ang mga pribadong tao talaga ang umaagaw ng mga sidewalks at beaches na ito. Kaya lang, parang lumalabas na ang mga local governments na rin ang umaagaw, dahil wala namang ginawa ang mga local officials na ito upang pigilan ang mga pangyayari. Lumalabas tuloy na parang kasama sila sa raket. In other words, parang sila na rin ang umagaw.
Bilang halimbawa, kapansin pansin na talamak sa Quezon City ang pag-paparada ng mga pribadong sasakyan sa mga sidewalks. Wala namang sumisita sa mga nakaparada, kahit pulis wala, kahit barangay tanod, wala rin. Alam naman ng lahat na may raket sa ganitong kalakalan. Siyempre, parang mga watch your car boys lang ang kumikita, ngunit hindi maiwasang magduda ang karamihan na may hatag din sila sa mga pulis, at kahit sa mga tanod, may inaabot din sila. Ano kaya ang ginagawa ni Mayor Belmonte sa issue na ito? Dapat may gagawin siya, otherwise baka magduda na rin ang mga tao na kasama siya sa raket?
Samantala, sa bandang dako naman ng City of Manila, may mga coastal walkways na hindi na malakaran ng mga tao, dahil sinamsam na ito at occupied na ng mga pribadong kumpanya. Wala na bang silbi ang batas ng public domain sa siyudad ng Maynila? Hindi ba sinabi ni Mayor Lim na “the law applies to all or none at all”? Kung ganoon nga, bakit parang exempted na sa batas ang mga private companies na ito?
Doon naman sa labas ng Metro Manila sa bandang Cavite at Batangas, maraming mga beaches na hindi na mapasok at hindi na magamit ng mga tao, dahil hinarangan na ito ng mga hotel. Mas grabe pa diyan, ang ilang mga beaches ay ginawa na ring parking lots ng mga hotel. Bakit nga ba nangyayari ito?
Nagsumbong si Dra. Claudio pagkatapos niyang malaman na ang National Council for Commuter Protection (NCCP) ay tatakbo na sa election bilang party list (Numero 163 sa balota). Ang NCCP 163 ang nagpapaba ng pasahe sa bus at jeepney noong nakaraang taon, at sila rin ang nagpapigil sa pagtaas ng toll fees sa SLEX. Kaya naman sinabi ni Dra. Claudio na dapat ay isama na rin ng NCCP 163 ang paglaban sa pagnakaw ng mga sidewalks at ng mga coastal walkways, kasama na ang mga public beaches.
Sa tingin ko, may punto naman si Dra. Claudio. Ang mga taong naglalakad dapat sa mga sidewalk ay ang mga taong nagiging commuters na rin. Ang gusto ng NCCP 163 ay ang kaligtasan ng mga pasahero, ngunit dapat isama na rin nila ang kaligtasan ng mga pedestrian. Ilang tao na kaya ang nasagasaan at namatay dahil nahagip sa mga kalye na walang sidewalk, o di kaya kung may sidewalk man ay hindi na malakaran ng mga tao?
Dapat isama na rin ng NCCP 163 ang pag-mungkahi na magtayo ang mga local government ng mga tama at modernong transport terminal, upang hindi mapilitan ang mga bus, taxi at jeepney na gawing terminal ang mga kalye. Isa pa itong dahilan ng trapik. Sa madaling sabi, parang naagaw na rin ang mga kalye, dahil sa kapabayaan ng mga local governments.
Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com
0 Comments:
Post a Comment
<< Home