Ka Iking Libre

An online forum of development issues in the Philippines

Sunday, June 06, 2010

MAHINANG SECURITY SA MALL

BANTAY GOBYERNO SERIES 029
Ni Ka Iking Seneres

MAHINANG SECURITY SA MALL

Marahil napansin na ninyo na sa column na ito, lagi kong tinutumbok kung aling ahensiya ng gobyerno ang dapat managot tuwing mayroong sumbong o di kaya reklamo na nakakarating sa akin. Ginagawa ko ito upang magkaroon ng tamang aksiyon sa mga sumbong, dahil nagiging malinaw kung sino dapat ang managot.

May nagsumbong na naman sa akin na ang asawa niya ay naging biktima ng “Hypnotize Gang” (ako ang nagbansag nito dahil hindi pa sila kilala). Ayon sa kanya, nasa loob ang asawa niya ng isang jewelry store, at nilapitan siya ng isang babae at tatlong lalake at kinaibigan siya.

Ang babae daw ay tila isang Bumbay, at ang dalawang lalake ay mga Pinoy. Dahil sa lubhang magaling sa hypnotism ang gang, parang walang kamalay malay ang kanyang asawa na ibinigay ang kanyang bag, at kinuha naman ng mga hypnotist ang lahat ng laman ng kanyang bag.

Hindi pa nakuntento, nakumbinsi pa ng gang na isama sila sa bahay ng biktima, at doon ay nilimas nila ang mga alahas ng maybahay habang siya ay nasa banyo. Pagkatapos noon, sila ay umalis na lang na parang walang nangyari, at nagising na lang sa katotohanan ang biktima na nanakaw na ang kanyang mga alahas na may halagang kalahating milyon.

Alin ba sa mga ahensiya ng gobyerno ang dapat managot sa nangyaring ito? Ang PNP ba? Baka nga PNP, dahil may mga nakatalagang mga pulis sa mga mall na dapat magbantay sa mga tao sa loob ng mall. Ang DTI kaya ay maari ding sisihin? Hindi ba sila ang ahensiya na dapat nagbabantay sa lahat ng may negosyo sa mall?

Sa pagkakaalam ko sa batas ng America, maari nang makialam ang FBI kung ang mga criminal ay tumawid ng state lines. Dapat nating gayahin ito, upang malaman natin kung hanggang saan ang trabaho ng PNP, at kung saan naman dapat magsimula ang trabaho ng NBI. Ayon sa nagsumbong sa akin, sa isang mall sa Mandaluyong nangyari ang unang krimen, ngunit tumawid sila ng city lines dahil sinamahan pa nila ang biktima sa kanyang bahay sa Makati. Hindi ba pagtawid na ito ng jurisdiction?
Para sa akin, kung hindi malinaw kung sino dapat ang kumilos, kung PNP ba o NBI, huwag na sila dapat mag-turuan, mag-tulungan na lang sila. Alam ko na iba ang trabaho nila, ngunit hindi ko alam kung papaano nga ba talaga nagkakaiba.

Sa alam ko, investigation dapat ang trabaho ng NBI, at enforcement naman ang trabaho ng PNP. Kung ganoon, bakit may CIDG pa ang PNP? Hindi ba investigation din ang trabaho ng CIDG? Kung talagang halata na nationwide na ang paglaganap ng isang krimen, dapat manguna na ang NBI at huwag nang hintayin ang PNP.

Ito namang PNP, parang nalilito rin sa trabaho nila. Napakahilig magsuot ng combat uniforms, hindi naman sila sundalo. Kung talagang mga sundalo sila, dapat sila na lang ang lumaban sa mga rebelde, dahil mga criminal lang ang mga rebelde at hindi naman mga dayuhan na military na lumusob dito na dapat harapin ng mga sundalo.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

0 Comments:

Post a Comment

<< Home