Ka Iking Libre

An online forum of development issues in the Philippines

Saturday, June 05, 2010

MABAGAL NA CANVASSING

BANTAY GOBYERNO SERIES 027
Ni Ka Iking Seneres

MABAGAL NA CANVASSING

Gumastos ang gobyerno ng halos walong bilyon upang bumilis diumano ang bilangan ng balota, ngunit bakit inabot ng halos isang buwan ang canvassing ng boto para sa president at vice president dahil sa bagal ng bilangan? Ano ba ang nangyari? Para saan pa ang gastos sa automation kung nauwi din sa mabagal na canvassing?

Ayon sa plano para sa automation, electronic na dapat ang mga election returns (ERs) at ganoon din ang mga Certificates of Canvass (COC). Wala na dapat mga papel sa pagpadala ng mga resulta, dahil computerized na nga ang sistema. Kung ganoon ang plano, bakit puro papel pa rin ang ginawang batayan ng kongreso sa bilangan?

Sa ayaw natin at sa gusto, magbabayad din tayo sa Smartmatic. Ang tanong na lang ngayon, magkano ba ang dapat natin ibayad? Hindi ba inarkila lang ng gobyerno ang mga makina at hindi naman binili? Hindi ba kapag may inarkila tayo at hindi naman naging tama ang serbisyo, may karapatan tayo na huwag magbayad ng buo?

Tapos na ang election, kaya halos wala na tayong magagawa maliban sa matuto ng mga leksyon upang maiwasan na natin ang mga kamalian sa susunod na halalan. Batay sa ating naging karanasan, dapat pa ba na automated na naman ang susunod na halalan?

Sobra sa isang taon bago nag election, sinulat ko na vulnerable ang sistema ng Smartmatic. Ang ibig kung sabihin ay maari itong dayain kung may mga masasamang tao na gusto gumawa ng pandaraya. Napatunayan na sa mga pangyayari na tama ako sa aking mga sinabi. Kung saka sakaling gustohin ng gobyerno na gawing automated ulit ang susunod na election, dapat tiyakin nila na hindi na ito madadaya pa.

Upang maging tama na ang sistema sa susunod na election kung ito ay gagawing automated ulit, dapat sundin ng gobyerno ang tamang mga paraan ng paghahanda, katulad ng tamang testing. Talaga namang kulang sa testing ang ginamit na sistema, at wala ngang totoong pilot sites kaya pinalabas na lang ng COMELEC na may pilot daw.
Ayon sa patakaran ng procurement sa gobyerno, dapat nang bilhin ang isang bagay at huwag nang arkilahin kung ang halaga ng renta ay higit na sa kalahati ng presyo kung ito ay bibilhin. Kahit sabihin pa ng COMELEC na independent commission sila, covered pa rin sila ng procurement rules ng gobyerno at hindi sila exempted.

Sinabi ng COMELEC na fairly successful daw ang automation. Ang ibig sabihin nito, hindi talaga matagumpay, at medyo medyo lang. Dapat ba na kuntento na tayo sa ganitong usapan? Hindi ba trabaho ng COMELEC na ipatupad ng talagang tama ang proyekto, at kung talagang may mga mali at kulang, ay dapat managot sila?

Kung ang medyo medyo lang na tagumpay ay katanggap tangap na sa gobyerno, talagang wala na silang magagawang tama kahit ano man ang kanilang gagawin. Sayang lang ang pera ng mga tao, kaya dapat tayo mismo ay hindi pumayag na laging medyo medyo lang ang tagumpay.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

0 Comments:

Post a Comment

<< Home