SUKATAN NG KAHIRAPAN
BANTAY GOBYERNO SERIES 018
Ni Ka Iking Seneres
SUKATAN NG KAHIRAPAN
Masarap pakinggan ang sinabi ni Manny Villar na tatapusin niya ng kahirapan. Ang sabi naman ni Noynoy Aquino, walang kahirapan kung walang corruption. Natalo man si Manny, sinabi niya pa rin na itutuloy niya ang kanyang layunin na tatapusin niya ang kahirapan. Papaano kaya niya gagawin ito?
Samantala, halos pangulo na si Noynoy at kulang na lang ng proclamation, bagamat hindi pa nag concede si Erap. Tama din naman ang sinabi ni Noynoy, ngunit sa totoo lang, higit na mas marami pa ang dahilan sa paglaganap ng kahirapan, at hindi lamang corruption.
Sa pagka-intiende ng karamihan, ang pagbawas ng kahirapan ay tungkulin ng national government, at hindi ng local government. Hindi ako nagkamali sa pagsabi na ang kahirapan ay maari lamang bawasan, dahil napakahirap naman itong tapusin. Dahil diyan, mukhang mas nasa lugar ang sinabi ni Noynoy na babawasan niya ang corruption upang mabawasan ang kahirapan.
Bagamat hindi talaga malinaw ang papel ng local government units (LGU) sa pagbabawas ng kahirapan, mas tamang sabihin na ang obligasyon nila ay ipatupad ang mga programa ng national government upang mabawasan ang kahirapan. Sa madaling salita, dapat magkaroon muna ng mga programa ang national government, upang may mapatupad ang mga LGU.
Kahit sabihin pa natin na ang obligasyon ng mga LGU ay magpatupad lamang ng mga national programs, wala namang pumipigil sa mga LGU na magpatupad ng sarili nilang mga programa, upang makadagdag sa ano mang programa na sisimulan ng national government.
Ang unang dapat gawin ng mga LGU ay bilangin kung ilan talaga ang mga mahihirap na tao sa mga lugar nila. Bago pa yan, sasabihin ko muna na iba ang ibig sabihin ng poverty alleviation sa poverty reduction. Ang ibig sabihin ng alleviation ay ang pagbibigay ng mga public services upang mabawasan ng bigat ng kahirapan. Ang ibig sabihin ng reduction ay ang pagabwas ng numero ng mga mahihirap na tao.
Ayon sa mga ekonomista, maituturing na mahirap ang isang tao kung hindi na niya kayang bilhin ang “imaginary basket of goods” na kailangan niya upang mabuhay. Kasama sa “basket” na ito ang pagkain, tubig, pasahe, upa sa bahay at iba pang mga pangangailangan. Batay sa definition na ito, madaling sukatin ng mga LGU kung ilan sa mga residente nila ang hindi na kayang bumili sa “basket” na ito.
Halimbawa, kung lumabas sa pagbibilang na 100,000 na tao ang mahihirap sa isang lugar, maaring gawing target ng isang mayor na babaan ito at gawing 70,000 na lamang sa loob ng tatlong taon ng kanyang panungkulan. Kung ganyan ang kanyang target, mababawasan niya ng 30% ang kahirapan sa kanyang lugar.
Mahalaga ang pagbibilang ng mahihirap upang malaman talaga ang totoong poverty rate sa isang lugar. Dapat ding gawing malinaw ang mga target ng mga mayor, kung hindi, puro pangako lang ang kanilang gagawin.
Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com
0 Comments:
Post a Comment
<< Home