Ka Iking Libre

An online forum of development issues in the Philippines

Tuesday, April 27, 2010

BAWAL KAININ ANG LOAD NG CELLPHONE!

BANTAY GOBYERNO SERIES 013
Ni Ka Iking Seneres

BAWAL KAININ ANG LOAD NG CELLPHONE!

Nagsumbong si Alvin Quilang na marami na raw siyang text na hindi nakakarating sa kanyang pinapadalhan. Naalala ko na kailan lang halos impossible na mangyari ito, dahil noong araw, bawat text na pinapadala ay nakakarating na walang mintis.

Sa interview ko kay Senate President Juan Ponce Enrile, sinabi niya na ang dahilan kung bakit may mga text na hindi nakakarating ay systems overload, na ang ibig sabihin ay higit na napakarami ang nagpapadala ng text kumpara sa kaya ng sistema ng mobile phone companies.

Noong nakaraan binunyag ni Senator Enrile na ang dahilan sa pagkaubos ng load ng mga tao ay ang SPAM, kung saan sinisingil ang mga tao ng mga telco sa pagpadala ng mga messages na may nakatago palang singil. Parang nagawan na ng paraan ang problemang ito, at lumalabas na iba pang problema itong mga load na nawawala.

Sa paliwanag na binigay ni Enrile, ang systems overload daw ay katulad ng traffic sa daan, kung saan masyadong maraming sasakyan ang dumadaan samantalang napakaliit naman ng kalye. Sa usapang traffic, naisip ng gobyerno ang paraan ng color coding, ngunit ano naman kaya ang solution ng gobyerno sa systems overload ng text messages?

Ang National Telecommunications Commission (NTC) ang ahensiya ng gobyerno na nakatalaga upang pangalagaan ang kapakanan ng mga tao. Ano naman kaya ang ginagawa ng NTC sa problemang ito? Sa simpleng usapan, ang pagkawala ng text ay isang uri ng pagnanakaw kaya dapat tugunan ito ng NTC sa lalong madaling panahon.

Malinaw ang pananaw ni Enrile na ang negosyo ng mga telco ay isang prangkisa na ibinigay ng gobyerno sa mga pribadong kumpanya na maaring bawiin sa kanila kung lalabagin nila ang mga kundisyon na ibinigay sa kanila. Kaya nga lang, dapat ay andap ang NTC sa pagbantay sa kanila at dapat walang pinapaboran ang NTC kahit sino pa ang may-ari ng mga telco. Kung hindi pa nag-ingay si Enrile tungkol sa mga load na nawawala, hindi pa kumilos ang NTC, kaya duda ako na may pinapaboran sila.
Nag email si Jamil Lumbao, isang OFW mula sa Saudi Arabia upang sabihin na sang-ayon siya sa advocacy ng National Council for Commuter Protection (NCCP) kaya iboboto niya raw ang NCCP bilang party list number 163 sa darating na election. Sabi niya, makatao daw ang pinaglalaban ng NCCP kaya ito na ang pinili niya na party list.

Madalas ko nang sinasabi na ang commuter protection ay kakambal ng consumer protection. Ito rin ang sinabi ni JM Nepomuceno sa kanyang email na pinadala sa akin. Ang wish ko ngayon ay magkaroon din ng isang council para sa consumer protection, katulad ng council ng NCCP para sa commuter protection.

Marami na ang nakakabasa ng Bantay Gobyerno at marami na rin ang nagsusumbong. Ang wish ko din ay maging sumbungan ng bayan ang column na ito, sa lahat ng kamalian na ginagawa ng gobyerno, kasama na rin ang mga hindi nila ginagawa na dapat nilang gawin.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

0 Comments:

Post a Comment

<< Home