BABALA SA SAKUNA
BANTAY GOBYERNO SERIES 017
Ni Ka Iking Seneres
BABALA SA SAKUNA
Dahil sa bagyong Ondoy, naging malaking isyu ang kawalan ng mga early warning systems (EWS) sa mga local government units (LGU) upang mabigyan ng babala ang mga tao kung may darating na na sakuna katulad ng bagyo at baha.
Ayon sa mga siyentipiko, walong oras na nagkaroon ng flash floods sa mga kabundukan ng Rizal bago dumating ang baha sa mga kapatagan. Kung sana may mga EWS na nakalagay sa mga bundok, nalaman na sana ng mga tao sa kapatagan na may flash flood na darating, dahil may sapat pa naman sanang oras upang magbabala.
Naging malaking isyu nga ang kawalan ng EWS, at halos mabingi tayo sa panawagan ng mga tao na maglagay na nga ng sistema. Ilang buwan na ang nakalipas ngayon, ngunit wala tayong narinig kung nakapaglagay nga ba ng sistema ang mga LGU o hindi. Sa wari ko, walang nakapag-lagay kaya tahimik ang mga local na opisyal.
Ang madalas na nangyayari ay huli na lagi ang pagsisisi. Hihintayin pa ba natin na mangyari ulit ang mga sakuna bago kumilos ang mga local na opisyal? Hihintayin pa ba natin na marami na naman ang mamamatay at marami ang mawawalan ng tirahan at hanapbuhay?
Kahit wala pa sa uso ngayon na magsalita tungkol sa mga EWS, sisimulan ko na ang pag-iingay, dahil sa paniwala ko na hindi dapat dinadaaan ang gawain na ito sa uso-uso lamang. Buhay ng tao ang katapat ng usapang ito, kaya huwag tayong mag-bulag bulagan, at huwag tayong magbiruan.
Bilang tulong ko sa mga LGU, handa akong gabayan sila upang magkaroon sila ng mga EWS sa lalong madaling panahon. Mas maganda kung bawat barangay ay magkaroon ng sariling sistema upang maging mas mabilis at mas madali ang pagbibigay ng babala kung may darating na sakuna.
Madalas sabihin ng mga LGU officials na hindi nila kayang maglagay ng mga EWS dahil wala silang pera o di kaya hindi nila alam kung papaano maglagay nito. Aalisin ko na sa kanila ang problema na ito.
Hindi naman masyadong mahal ang mga EWS kaya hindi dapat maging problema ang pera pagdating sa usapan na ito. Sa totoo lang mas mahal ang halaga ng mga buhay at ari-arian na mawawala kung may sakuna at walang babala.
Hindi rin naman dapat problema ang kaalaman sa paglalagay ng mga EWS, dahil marami namang mga local experts na nakakaalam nito. Kung kailangan pa ng foreign experts, madali na din yan dahil naparaming mga organization sa abroad na handang tumulong sa atin.
Sa totoo lang, hindi lang EWS ang dapat bigyan ng pansin upang maging handa sa sakuna. Mahalaga rin ang prevention, kaya huwag din natin kalimutan ang segregation at recycling ng mga basura. Mabigat na problema ang global warming at climate change, kaya kailangan kumpleto ang ating mga plano at paghahanda para hindi bitin. Ano kaya ang situation sa mga rubber boats? Nakabili na kaya ang mga LGU?
Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com
0 Comments:
Post a Comment
<< Home