SIKSIKAN SA PNR
BANTAY GOBYERNO SERIES 023
Ni Ka Iking Seneres
SIKSIKAN SA PNR
Nagsumbong si Allan Hernandez, isang pasahero sa biyaheng Laguna ng Philippine National Railways (PNR) na siksikan na raw ngayon sa tren na sinasakyan niya, kahit bakasyon pa ang mga estudyante. Ano pa kaya ang tindi ng siksikan kung magbukas na ng klase? Ito ang tanong niya, dahil alam niya na maraming estudyante mula sa Laguna ang sumasakay ng tren papuntang Manila.
Sa nakaraang election, naging mahaba at matagal ang pila sa botohan, dahil hindi nagsagawa ang COMELEC ng tinatawag na “time and motion” study. Hindi nga kaya pumapasok sa utak ng gobyerno ang kahalagaan ng ganitong klaseng study? Sayang naman na naging moderno na ang mga tren ng PNR, ngunit hindi pa rin moderno ang utak ng mga nagpapatakbo nito.
Bago nga ang mga tren, madumi at mabaho naman ang mga comfort room sa mga estasyon ng tren, dagdag pa ni Allan. Ano ba naman yan? Hindi ba very basic lang yan sa isang public utility na maging malinis at maayos ang mga comfort rooms? Paaano na kung may mga turistang sumakay sa mga tren na ito? Ano ang kanilang sasabihin sa mga kababayan nila sa kanilang pag-uwi sa kanilang bansa?
Dahil sa pagtayo ng MRT at LRT, medyo nabawasan na ang trapik sa Metro Manila. Common sense lang ito, dahil kung maaayos at maganda naman ang takbo ng tren, maraming car owner ang hindi na gumagamit ng kotse at ang ibang pasahero naman ay lumilipat na mula sa bus at sumasakay na lamang sa tren. Hindi ba naisip ng gobyerno na kung maayos at maganda naman ang takbo ng PNR, mababawasan na rin ang trapik galing sa Laguna?
Malayo man ang koneksyon, may kaugnayan ang pagakakaroon ng maraming tren sa pagbawas ng air pollution sa Metro Manila. Simple din lang ang relasyon nito, dahil kung mas maraming tren, mababawasan na ang dami ng mga bus na malakas gumamit ng diesel, kaya matindi ang buga.
Dahil sa tindi ng init ng panahon ngayon, higit na mas maraming tao na ang nakakaintindi sa problema ng climate change at global warming. Sana ay maintindihan na rin ng gobyerno ang kaugnayan ng tren sa air pollution.
Ang PNR ay nasa ilalim ng poder ng Department of Transportation and Communications (DOTC). Kung hindi kaya ng DOTC na pangalagaan at bantayan ang mga ahensiya na nasa ilalim ng kanilang poder, dapat alisin na ang mga ahensiya na ito at ilipat sa iba, o di kaya ipagkatiwala na lang ang pamamahala sa pribadong sector.
Sa totoo lang parang halos wala namang nagagawa ang DOTC sa pagpa-unlad ng kalagayan ng transportation sa ating bansa. Kahit na ang mga provincial bus na nasa ilalim ng kanilang poder ay masama din ang condition, at marami pa ng sira o di kaya mahina ang air conditioner kaya kawawa naman ang mga pasahero na nagtiis sa mahabang biyahe.
Dapat magising na ang DOTC sa problema ng kakulangan ng tren sa PNR. Malaking pera marahil ang kailangan, kaya dapat matuto silang ipaglaban ang kanilang budget sa kongreso. Kung natatalo sila sa labanan ng budget, ang nagiging biktima ay ang mga pasahero na nahihirapan sa siksikan.
Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com
0 Comments:
Post a Comment
<< Home