WALANG KATAPUSANG AKSIDENTE
Isa na namang bus ang nahulog sa bangin sa isang aksidente sa Pagbilao, Quezon. Talaga bang ganyan na lang ang buhay sa Pilipinas, kung saan lagi na lang na may aksidente dito at halos lingo-lingo na yata ay may malaking pangyayari? Parang round robin na lang ang nangyayari, dahil pag hindi bus ang na-aaksidente, tren naman di kaya bapor o eroplano. Sa lingong ito, sinabayan pa ang bus accident ng isang helicopter crash.
**
Possible nga kaya na mabawasan ang insidente ng sakuna sa Pilipinas? Sa usapang pilosopo, talaga namang hindi maiwasan ang aksidente, ngunit maaari nga kaya itong mabawasan? Balikan natin ang nangyari sa Pagbilao baka may makuha tayong mga leksyon. Ayon sa balita, nawalan daw ng control ang driver kaya tuloy-tuloy na nahulog na lamang ang bus sa bangin. Ang una kong tanong, mayroon ba kayang national standards para sa maintenance ng mga passenger buses? Ang pangalawang tanong ko, may national standards ba tayo para sa accreditation ng mga professional bus drivers?
**
Huwag sana kayong matawa, pero sa tingin ko, ang isang bus driver ay para na rin mga airplane pilot, dahil nasa mga kamay nila ang buhay ng maraming pasahero. Of course, mas malaki ang sueldo ng piloto compared sa driver, ngunit pareho lang ang halaga ng mga buhay na kanilang pananagutan. May idea ako, at gusto kong i-konsulta sa inyo. Ano kaya kung magkaroon tayo ng “bus pilot” license na iba pa sa professional driver’s license? Again, huwag kayong matawa dahil alam naman ninyo ang situation sa Land Transportation Office (LTO) ngayon na kung saan kahit sino na lang ay maaaring magkaroon ng pulang lisensiya, kahit ungoy na lasenggo na, duling pa.
**
Sa alam ko, once a year lang ang drug check ng mga professional bus drivers, at pareho na rin ang testing requirements nila sa mga non-professional drivers. Tama ba ito?
**
Ayon pa rin sa balita, kulang na kulang daw ang mga warning lights doon sa daan kung saan nangyari ang aksidente sa Pagbilao. Kanino nga bang sagutin ang paglagay ng mga ilaw doon? Ang national nga government ba? Ang provincial government kaya? O di kaya ang municipal government? Baka naman mag-turuan na lamang ang mga ahensiya ng gobyerno, pero wala pa ring ilaw na ilalagay doon, at wala pa ring liwanag sa usapan. By the way, may isa pa akong tanong: mayroon ba tayong national standards para sa safety signs at warning lights para sa mga highways?
**
Napakarami pang dapat pag-usapan sa isyu ng road safety na hindi pa pinag-uusapan, kahit may mga namamatay na sa mga matinding bus accidents. For example, mayroon bang national standards para sa mga gulong at brake fluid ng mga passenger buses? Hindi ko na uulitin ang tanong ko dahil alam kong wala naman talagang standards. Sa aking pagkakaalam, iba ang standards na ginagamit ng mga developed countries para sa mga gulong at brake fluid, dahil mas heavy duty naman talaga ang gamit nito. Hindi ba panahon na para mapag-usapan at ma-decide ito ng sambayanan?
**
Dapat ba tayong magalit sa mga reckless driver na parang kumakarera kung nag-mamaneho? Sa halip na magalit tayo sa kanila, ano kaya kung higpitan na lang natin ang licensing nila at bigyan natin sila ng regular training upang matuto silang maging responsible drivers? Kapag ang driver ay may pulang license, parang expected na natin na alam nila ang lahat ng mga traffic rules at safe practices. Based naman sa actual na situation, alam naman natin na that is not always the case, at may mintis din.
**