Ka Iking Libre

An online forum of development issues in the Philippines

Sunday, June 06, 2010

MAHINANG SECURITY SA MALL

BANTAY GOBYERNO SERIES 029
Ni Ka Iking Seneres

MAHINANG SECURITY SA MALL

Marahil napansin na ninyo na sa column na ito, lagi kong tinutumbok kung aling ahensiya ng gobyerno ang dapat managot tuwing mayroong sumbong o di kaya reklamo na nakakarating sa akin. Ginagawa ko ito upang magkaroon ng tamang aksiyon sa mga sumbong, dahil nagiging malinaw kung sino dapat ang managot.

May nagsumbong na naman sa akin na ang asawa niya ay naging biktima ng “Hypnotize Gang” (ako ang nagbansag nito dahil hindi pa sila kilala). Ayon sa kanya, nasa loob ang asawa niya ng isang jewelry store, at nilapitan siya ng isang babae at tatlong lalake at kinaibigan siya.

Ang babae daw ay tila isang Bumbay, at ang dalawang lalake ay mga Pinoy. Dahil sa lubhang magaling sa hypnotism ang gang, parang walang kamalay malay ang kanyang asawa na ibinigay ang kanyang bag, at kinuha naman ng mga hypnotist ang lahat ng laman ng kanyang bag.

Hindi pa nakuntento, nakumbinsi pa ng gang na isama sila sa bahay ng biktima, at doon ay nilimas nila ang mga alahas ng maybahay habang siya ay nasa banyo. Pagkatapos noon, sila ay umalis na lang na parang walang nangyari, at nagising na lang sa katotohanan ang biktima na nanakaw na ang kanyang mga alahas na may halagang kalahating milyon.

Alin ba sa mga ahensiya ng gobyerno ang dapat managot sa nangyaring ito? Ang PNP ba? Baka nga PNP, dahil may mga nakatalagang mga pulis sa mga mall na dapat magbantay sa mga tao sa loob ng mall. Ang DTI kaya ay maari ding sisihin? Hindi ba sila ang ahensiya na dapat nagbabantay sa lahat ng may negosyo sa mall?

Sa pagkakaalam ko sa batas ng America, maari nang makialam ang FBI kung ang mga criminal ay tumawid ng state lines. Dapat nating gayahin ito, upang malaman natin kung hanggang saan ang trabaho ng PNP, at kung saan naman dapat magsimula ang trabaho ng NBI. Ayon sa nagsumbong sa akin, sa isang mall sa Mandaluyong nangyari ang unang krimen, ngunit tumawid sila ng city lines dahil sinamahan pa nila ang biktima sa kanyang bahay sa Makati. Hindi ba pagtawid na ito ng jurisdiction?
Para sa akin, kung hindi malinaw kung sino dapat ang kumilos, kung PNP ba o NBI, huwag na sila dapat mag-turuan, mag-tulungan na lang sila. Alam ko na iba ang trabaho nila, ngunit hindi ko alam kung papaano nga ba talaga nagkakaiba.

Sa alam ko, investigation dapat ang trabaho ng NBI, at enforcement naman ang trabaho ng PNP. Kung ganoon, bakit may CIDG pa ang PNP? Hindi ba investigation din ang trabaho ng CIDG? Kung talagang halata na nationwide na ang paglaganap ng isang krimen, dapat manguna na ang NBI at huwag nang hintayin ang PNP.

Ito namang PNP, parang nalilito rin sa trabaho nila. Napakahilig magsuot ng combat uniforms, hindi naman sila sundalo. Kung talagang mga sundalo sila, dapat sila na lang ang lumaban sa mga rebelde, dahil mga criminal lang ang mga rebelde at hindi naman mga dayuhan na military na lumusob dito na dapat harapin ng mga sundalo.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

Saturday, June 05, 2010

GINAYA NA ANG BANTAY GOBYERNO

BANTAY GOBYERNO SERIES 028
Ni Ka Iking Seneres

GINAYA NA ANG BANTAY GOBYERNO

Bilang patunay na nasa tamang direksyon ang usapan sa column na ito, lumabas sa balita na ang dating kilusan na kilala sa pangalang “Bantay Balota” ay papalitan na daw ang pangalan at gagawin nang “Bantay Gobyerno”. Marahil hindi nila alam na matagal ko nang ginagamit ang pangalan na “Bantay Gobyerno”.

Maliban pa sa column ko sa Remate Tonight, ginagawmit ko din ang pangalan na “Bantay Gobyerno” sa aking web log (blog) sa Internet at mababasa ninyo ito sa www.kaiking.blogspot.com. Bilang patunay na ako talaga ang may-ari ng pangalan na “Bantay Gobyerno”, ako rin ang moderator ng isang grupo sa Yahoo, na ang pangalan ay bantaygobyerno@yahoogroups.com.

Alam ko naman na halos isa lang sa sampung Pilipino ang gumagamit ng Internet. Ganoon pa man, sasabihin ko pa rin na kung gusto ninyong sundan ang mga sinusulat ko tungkol sa pagbabantay sa gobyerno, puntahan lang ninyo ang aking blog, o di kaya sumali kayo sa Yahoo group ko.

Ang “Bantay Balota” ay isang kilusan ng mga volunteers na nagbigay ng support kay Noynoy Aquino at Mar Roxas noong nakaraan na election. Sila ay kilala dati sa pangalan na “People Power Volunteers” (PPV) ngunit naisipan nilang palitan ang kanilang pangalan kaya ginawa na lang nilang “Bantay Balota”. Ngayon naman, gusto na naman nilang palitan ang kanilang pangalan, at napili nga nila ang “Bantay Gobyerno”.

Ayon sa batas ng copyrights sa Pilipinas, ang unang naglathala ng isang pangalan o di kaya written works ang may karapatan na gumamit nito, at siya na ring magiging may-ari nito. Walang question na ako ang unang gumamit at naglathala ng pangalan na “Bantay Gobyerno” kaya sana igalang ng “Bantay Balota” ang aking karapatan.

Tama naman ang ginawa ng PPV sa pag-palit ng pangalan nila sa “Bantay Balota”. Sinasabi ko ito, dahil alam ko na maraming tao na nakiisa sa “People Power”, ngunit hindi naman nakiisa kay Noynoy at Mar. Sa usapang ito, malinaw na ang mga tao ang may-ari ng “People Power” na pangalan.
Maganda naman ang layunin ng “Bantay Balota” na palitan na ang kanilang advocacy mula sa pag-babantay ng election papunta sa pag-laban sa corruption. Iba naman ang direksyon na naisip ko para sa “Bantay Gobyerno”, dahil hindi lamang pag-laban sa corruption ang gusto ko, nais ko ring isali ang pag-babantay ng gobyerno upang mapatupad nito ang mga plano para sa kaunlaran, kasama na ang pag-laban sa krimen at kahirapan.

Isang malaking pag-subok para sa “Bantay Balota” na tiisin na lang nila ang hindi pag-gamit sa pangalan na “Bantay Gobyerno” dahil ako na ang may-ari nito. Kung corruption ang kanilang sadya, dapat maisip nila na ang pagnakaw ng isang karapatan ay parang isang uri na rin ng corruption.

Sa paglaban sa corruption, mahalaga sa akin na maging neutral ang isang kilusan, at walang pinapanigan kahit anong partido. Natural lang ito, kasi ang dapat kalaban ng kilusan ay ang corruption mismo, at hindi ang kabilang partido. Sana maging neutral ang PPV o “Bantay Balota” sa usapang ito.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

MABAGAL NA CANVASSING

BANTAY GOBYERNO SERIES 027
Ni Ka Iking Seneres

MABAGAL NA CANVASSING

Gumastos ang gobyerno ng halos walong bilyon upang bumilis diumano ang bilangan ng balota, ngunit bakit inabot ng halos isang buwan ang canvassing ng boto para sa president at vice president dahil sa bagal ng bilangan? Ano ba ang nangyari? Para saan pa ang gastos sa automation kung nauwi din sa mabagal na canvassing?

Ayon sa plano para sa automation, electronic na dapat ang mga election returns (ERs) at ganoon din ang mga Certificates of Canvass (COC). Wala na dapat mga papel sa pagpadala ng mga resulta, dahil computerized na nga ang sistema. Kung ganoon ang plano, bakit puro papel pa rin ang ginawang batayan ng kongreso sa bilangan?

Sa ayaw natin at sa gusto, magbabayad din tayo sa Smartmatic. Ang tanong na lang ngayon, magkano ba ang dapat natin ibayad? Hindi ba inarkila lang ng gobyerno ang mga makina at hindi naman binili? Hindi ba kapag may inarkila tayo at hindi naman naging tama ang serbisyo, may karapatan tayo na huwag magbayad ng buo?

Tapos na ang election, kaya halos wala na tayong magagawa maliban sa matuto ng mga leksyon upang maiwasan na natin ang mga kamalian sa susunod na halalan. Batay sa ating naging karanasan, dapat pa ba na automated na naman ang susunod na halalan?

Sobra sa isang taon bago nag election, sinulat ko na vulnerable ang sistema ng Smartmatic. Ang ibig kung sabihin ay maari itong dayain kung may mga masasamang tao na gusto gumawa ng pandaraya. Napatunayan na sa mga pangyayari na tama ako sa aking mga sinabi. Kung saka sakaling gustohin ng gobyerno na gawing automated ulit ang susunod na election, dapat tiyakin nila na hindi na ito madadaya pa.

Upang maging tama na ang sistema sa susunod na election kung ito ay gagawing automated ulit, dapat sundin ng gobyerno ang tamang mga paraan ng paghahanda, katulad ng tamang testing. Talaga namang kulang sa testing ang ginamit na sistema, at wala ngang totoong pilot sites kaya pinalabas na lang ng COMELEC na may pilot daw.
Ayon sa patakaran ng procurement sa gobyerno, dapat nang bilhin ang isang bagay at huwag nang arkilahin kung ang halaga ng renta ay higit na sa kalahati ng presyo kung ito ay bibilhin. Kahit sabihin pa ng COMELEC na independent commission sila, covered pa rin sila ng procurement rules ng gobyerno at hindi sila exempted.

Sinabi ng COMELEC na fairly successful daw ang automation. Ang ibig sabihin nito, hindi talaga matagumpay, at medyo medyo lang. Dapat ba na kuntento na tayo sa ganitong usapan? Hindi ba trabaho ng COMELEC na ipatupad ng talagang tama ang proyekto, at kung talagang may mga mali at kulang, ay dapat managot sila?

Kung ang medyo medyo lang na tagumpay ay katanggap tangap na sa gobyerno, talagang wala na silang magagawang tama kahit ano man ang kanilang gagawin. Sayang lang ang pera ng mga tao, kaya dapat tayo mismo ay hindi pumayag na laging medyo medyo lang ang tagumpay.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com