Ka Iking Libre

An online forum of development issues in the Philippines

Sunday, June 06, 2010

MAHINANG SECURITY SA MALL

BANTAY GOBYERNO SERIES 029
Ni Ka Iking Seneres

MAHINANG SECURITY SA MALL

Marahil napansin na ninyo na sa column na ito, lagi kong tinutumbok kung aling ahensiya ng gobyerno ang dapat managot tuwing mayroong sumbong o di kaya reklamo na nakakarating sa akin. Ginagawa ko ito upang magkaroon ng tamang aksiyon sa mga sumbong, dahil nagiging malinaw kung sino dapat ang managot.

May nagsumbong na naman sa akin na ang asawa niya ay naging biktima ng “Hypnotize Gang” (ako ang nagbansag nito dahil hindi pa sila kilala). Ayon sa kanya, nasa loob ang asawa niya ng isang jewelry store, at nilapitan siya ng isang babae at tatlong lalake at kinaibigan siya.

Ang babae daw ay tila isang Bumbay, at ang dalawang lalake ay mga Pinoy. Dahil sa lubhang magaling sa hypnotism ang gang, parang walang kamalay malay ang kanyang asawa na ibinigay ang kanyang bag, at kinuha naman ng mga hypnotist ang lahat ng laman ng kanyang bag.

Hindi pa nakuntento, nakumbinsi pa ng gang na isama sila sa bahay ng biktima, at doon ay nilimas nila ang mga alahas ng maybahay habang siya ay nasa banyo. Pagkatapos noon, sila ay umalis na lang na parang walang nangyari, at nagising na lang sa katotohanan ang biktima na nanakaw na ang kanyang mga alahas na may halagang kalahating milyon.

Alin ba sa mga ahensiya ng gobyerno ang dapat managot sa nangyaring ito? Ang PNP ba? Baka nga PNP, dahil may mga nakatalagang mga pulis sa mga mall na dapat magbantay sa mga tao sa loob ng mall. Ang DTI kaya ay maari ding sisihin? Hindi ba sila ang ahensiya na dapat nagbabantay sa lahat ng may negosyo sa mall?

Sa pagkakaalam ko sa batas ng America, maari nang makialam ang FBI kung ang mga criminal ay tumawid ng state lines. Dapat nating gayahin ito, upang malaman natin kung hanggang saan ang trabaho ng PNP, at kung saan naman dapat magsimula ang trabaho ng NBI. Ayon sa nagsumbong sa akin, sa isang mall sa Mandaluyong nangyari ang unang krimen, ngunit tumawid sila ng city lines dahil sinamahan pa nila ang biktima sa kanyang bahay sa Makati. Hindi ba pagtawid na ito ng jurisdiction?
Para sa akin, kung hindi malinaw kung sino dapat ang kumilos, kung PNP ba o NBI, huwag na sila dapat mag-turuan, mag-tulungan na lang sila. Alam ko na iba ang trabaho nila, ngunit hindi ko alam kung papaano nga ba talaga nagkakaiba.

Sa alam ko, investigation dapat ang trabaho ng NBI, at enforcement naman ang trabaho ng PNP. Kung ganoon, bakit may CIDG pa ang PNP? Hindi ba investigation din ang trabaho ng CIDG? Kung talagang halata na nationwide na ang paglaganap ng isang krimen, dapat manguna na ang NBI at huwag nang hintayin ang PNP.

Ito namang PNP, parang nalilito rin sa trabaho nila. Napakahilig magsuot ng combat uniforms, hindi naman sila sundalo. Kung talagang mga sundalo sila, dapat sila na lang ang lumaban sa mga rebelde, dahil mga criminal lang ang mga rebelde at hindi naman mga dayuhan na military na lumusob dito na dapat harapin ng mga sundalo.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

Saturday, June 05, 2010

GINAYA NA ANG BANTAY GOBYERNO

BANTAY GOBYERNO SERIES 028
Ni Ka Iking Seneres

GINAYA NA ANG BANTAY GOBYERNO

Bilang patunay na nasa tamang direksyon ang usapan sa column na ito, lumabas sa balita na ang dating kilusan na kilala sa pangalang “Bantay Balota” ay papalitan na daw ang pangalan at gagawin nang “Bantay Gobyerno”. Marahil hindi nila alam na matagal ko nang ginagamit ang pangalan na “Bantay Gobyerno”.

Maliban pa sa column ko sa Remate Tonight, ginagawmit ko din ang pangalan na “Bantay Gobyerno” sa aking web log (blog) sa Internet at mababasa ninyo ito sa www.kaiking.blogspot.com. Bilang patunay na ako talaga ang may-ari ng pangalan na “Bantay Gobyerno”, ako rin ang moderator ng isang grupo sa Yahoo, na ang pangalan ay bantaygobyerno@yahoogroups.com.

Alam ko naman na halos isa lang sa sampung Pilipino ang gumagamit ng Internet. Ganoon pa man, sasabihin ko pa rin na kung gusto ninyong sundan ang mga sinusulat ko tungkol sa pagbabantay sa gobyerno, puntahan lang ninyo ang aking blog, o di kaya sumali kayo sa Yahoo group ko.

Ang “Bantay Balota” ay isang kilusan ng mga volunteers na nagbigay ng support kay Noynoy Aquino at Mar Roxas noong nakaraan na election. Sila ay kilala dati sa pangalan na “People Power Volunteers” (PPV) ngunit naisipan nilang palitan ang kanilang pangalan kaya ginawa na lang nilang “Bantay Balota”. Ngayon naman, gusto na naman nilang palitan ang kanilang pangalan, at napili nga nila ang “Bantay Gobyerno”.

Ayon sa batas ng copyrights sa Pilipinas, ang unang naglathala ng isang pangalan o di kaya written works ang may karapatan na gumamit nito, at siya na ring magiging may-ari nito. Walang question na ako ang unang gumamit at naglathala ng pangalan na “Bantay Gobyerno” kaya sana igalang ng “Bantay Balota” ang aking karapatan.

Tama naman ang ginawa ng PPV sa pag-palit ng pangalan nila sa “Bantay Balota”. Sinasabi ko ito, dahil alam ko na maraming tao na nakiisa sa “People Power”, ngunit hindi naman nakiisa kay Noynoy at Mar. Sa usapang ito, malinaw na ang mga tao ang may-ari ng “People Power” na pangalan.
Maganda naman ang layunin ng “Bantay Balota” na palitan na ang kanilang advocacy mula sa pag-babantay ng election papunta sa pag-laban sa corruption. Iba naman ang direksyon na naisip ko para sa “Bantay Gobyerno”, dahil hindi lamang pag-laban sa corruption ang gusto ko, nais ko ring isali ang pag-babantay ng gobyerno upang mapatupad nito ang mga plano para sa kaunlaran, kasama na ang pag-laban sa krimen at kahirapan.

Isang malaking pag-subok para sa “Bantay Balota” na tiisin na lang nila ang hindi pag-gamit sa pangalan na “Bantay Gobyerno” dahil ako na ang may-ari nito. Kung corruption ang kanilang sadya, dapat maisip nila na ang pagnakaw ng isang karapatan ay parang isang uri na rin ng corruption.

Sa paglaban sa corruption, mahalaga sa akin na maging neutral ang isang kilusan, at walang pinapanigan kahit anong partido. Natural lang ito, kasi ang dapat kalaban ng kilusan ay ang corruption mismo, at hindi ang kabilang partido. Sana maging neutral ang PPV o “Bantay Balota” sa usapang ito.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

MABAGAL NA CANVASSING

BANTAY GOBYERNO SERIES 027
Ni Ka Iking Seneres

MABAGAL NA CANVASSING

Gumastos ang gobyerno ng halos walong bilyon upang bumilis diumano ang bilangan ng balota, ngunit bakit inabot ng halos isang buwan ang canvassing ng boto para sa president at vice president dahil sa bagal ng bilangan? Ano ba ang nangyari? Para saan pa ang gastos sa automation kung nauwi din sa mabagal na canvassing?

Ayon sa plano para sa automation, electronic na dapat ang mga election returns (ERs) at ganoon din ang mga Certificates of Canvass (COC). Wala na dapat mga papel sa pagpadala ng mga resulta, dahil computerized na nga ang sistema. Kung ganoon ang plano, bakit puro papel pa rin ang ginawang batayan ng kongreso sa bilangan?

Sa ayaw natin at sa gusto, magbabayad din tayo sa Smartmatic. Ang tanong na lang ngayon, magkano ba ang dapat natin ibayad? Hindi ba inarkila lang ng gobyerno ang mga makina at hindi naman binili? Hindi ba kapag may inarkila tayo at hindi naman naging tama ang serbisyo, may karapatan tayo na huwag magbayad ng buo?

Tapos na ang election, kaya halos wala na tayong magagawa maliban sa matuto ng mga leksyon upang maiwasan na natin ang mga kamalian sa susunod na halalan. Batay sa ating naging karanasan, dapat pa ba na automated na naman ang susunod na halalan?

Sobra sa isang taon bago nag election, sinulat ko na vulnerable ang sistema ng Smartmatic. Ang ibig kung sabihin ay maari itong dayain kung may mga masasamang tao na gusto gumawa ng pandaraya. Napatunayan na sa mga pangyayari na tama ako sa aking mga sinabi. Kung saka sakaling gustohin ng gobyerno na gawing automated ulit ang susunod na election, dapat tiyakin nila na hindi na ito madadaya pa.

Upang maging tama na ang sistema sa susunod na election kung ito ay gagawing automated ulit, dapat sundin ng gobyerno ang tamang mga paraan ng paghahanda, katulad ng tamang testing. Talaga namang kulang sa testing ang ginamit na sistema, at wala ngang totoong pilot sites kaya pinalabas na lang ng COMELEC na may pilot daw.
Ayon sa patakaran ng procurement sa gobyerno, dapat nang bilhin ang isang bagay at huwag nang arkilahin kung ang halaga ng renta ay higit na sa kalahati ng presyo kung ito ay bibilhin. Kahit sabihin pa ng COMELEC na independent commission sila, covered pa rin sila ng procurement rules ng gobyerno at hindi sila exempted.

Sinabi ng COMELEC na fairly successful daw ang automation. Ang ibig sabihin nito, hindi talaga matagumpay, at medyo medyo lang. Dapat ba na kuntento na tayo sa ganitong usapan? Hindi ba trabaho ng COMELEC na ipatupad ng talagang tama ang proyekto, at kung talagang may mga mali at kulang, ay dapat managot sila?

Kung ang medyo medyo lang na tagumpay ay katanggap tangap na sa gobyerno, talagang wala na silang magagawang tama kahit ano man ang kanilang gagawin. Sayang lang ang pera ng mga tao, kaya dapat tayo mismo ay hindi pumayag na laging medyo medyo lang ang tagumpay.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

Saturday, May 29, 2010

SOLUSYON SA ELEKSYON

BANTAY GOBYERNO SERIES 026
Ni Ka Iking Seneres

SOLUSYON SA ELEKSYON

Masyado nang naging technical ang mga issue tungkol sa mga dayaan na diumano ay nangyari sa nakaraan na eleksyon. Bagamat alam ko ang mga technical na paliwanag sa mga nangyari, mas mahalaga sa akin ngayon na talakayin kung ano at sino talaga ang dahilan kung bakit nagkaroon diumano ng dayaan.

Ayon sa mga experts ng computerization at automation, hindi dapat lahat ng proseso ay gawing computerized, kung hindi naman kailangan, kahit may computer pa na maaring gamitin. Ang sabi ng mga experts, ang dapat lang daw gawing computerized ay ang mga proseso na may manual procedures na. Dapat daw ay malaman muna kung ano ang manual, upang malaman kung alin sa mga proseso ang gagawing computerized.

Ayon din sa mga experts, garbage in, garbage out daw ang proseso sa computerization, na ang ibig sabihin ay kung ano ang ipinasok sa computer, ito din daw ang lalabas, ginawa lang na mas mabilis at mas mahusay ang pag-gawa.

Hindi pa uso ang computer, may mga mandaraya at kurakot na sa loob ng COMELEC. Ang tawag sa kanila ay mga OPERATOR, ibig sabihin, sila ang nag-ooperate upang mapanalo ang hindi naman dapat manalo, at matalo ang hindi naman dapat matalo. DAGDAG BAWAS ang kanilang operation, at malawak ang kanilang sindikato kahit wala pang computer.

Nangyari na nga ang hindi dapat mangyari. Marami ang nag-reklamo na nadaya nga sila, kaya mukhang may batayan naman ang kanilang reklamo. Sa tingin ko, nangyari ito dahil hindi naman inalis ang mga OPERATOR sa COMELEC, kahit naglagay pa ng mga computer. Ang nangyari pa nga, parang bumilis pa ang ginawang pandaraya ng mga OPERATOR, dahil naging computerized na rin sila.

Isang taon bago mag-eleksyon may sinulat ako tungkol sa dalawampung paraan na maaring gamitin upang mandaya sa eleksyon. Hindi ako masaya na halos nangyari ang lahat ng paraan ng pandaraya na isinulat ko. Ayaw ko na magyabang na tama ako, dahil hindi maganda ang nangyari.
Narinig ko na may mga OPERATOR sa loob ng COMELEC na kasama sa pagpatupad ng computerization, kaya nakahanap sila ng paraan upang magkaroon ng puwang na pumasok ang mga tauhan nila, upang magawa nila ang dati na nilang ginagawa. Kung talagang gusto natin na gawing malinis ang computerization para sa eleksyon, dapat tanggalin na talaga ang mga OPERATOR na ito.

Unfair naman sabihin na kaya nanalo ang mga na-proklama ay dahil nandaya sila. Ang dapat diyan, mag-labas ng evidence ang mga may reklamo, upang madaan sa tamang proseso ng batas. Pangit naman kung puro akusasyon at haka-haka lang ang gawing batayan, dahil may mga batas naman tayo na dapat sundin.

Mali ding sabihin na ang hindi nanguna sa survey ay walang batayan na manalo. Kung ganyan ang ating pag-iisip, huwag na tayong mag-eleksyon at mag-survey na lang tayo. Ang survey ay sukatan lamang at hindi batayan.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

APAT NA KLASENG POLLUTION

BANTAY GOBYERNO SERIES 025
Ni Ka Iking Seneres

APAT NA KLASENG POLLUTION

Mahirap ipaliwanag ang problema sa environment, ngunit mas madaling maintinduhan ito kung ang pag-uusapan natin ay pollution, ang lahat ng klase ng pollution. Tatlong klase ng pollution ang alam ng halos lahat. Ang mga ito ay air pollution, water pollution at land pollution o di kaya soil pollution. Sa tingin ko, dapat na rin isama ang ikaapat na pollution, at yan ang noise pollution.

Ano pa ang silbi ng malinis na kapaligiran kung maingay naman sa mga kalye at pamamahay natin? Mas higit pa ang problema kung mainit na nga, maingay pa, at madumi pa ang hangin, tubig at lupa. Dapat ang lahat ng ito ay gawan ng solution ng gobyerno, dahil mahalaga ang mga ito sa ating pamumuhay at kabuhayan, hindi lamang ang kahirapan at corruption.

Nanghinayang ako na natalo si Cong. Neric Acosta nang tumakbo siya bilang senador, dahil sa lahat ng kandidato, siya ang mas higit na nakaka-intindi sa problema ng environment. Siya ang author ng maraming batas tungkol sa environment, katulad ng clean air act at clean water act. Dahil umabot halos ng anim na milyon ang nakuha niya na boto, naniniwala ako na marami na rin ang nagbibigay kahalagaan sa kalikasan.

Naka-usap ko si Neric, at sinabi ko sa kanya ang aking wish ko na sana, siya na ang manguna upang pag-isahin ang iba’t ibang grupo na kumikilos para sa kalikasan, dahil sa lahat ng mga lider ng kilusan para sa environment, siya lang ang makakasabi na may milyon milyon siyang supporter. Pumayag naman siya, kaya abangan ang susunod na kabanata sa usapang ito.

Marami ang mga grupo at mga lider na kumikilos para sa environment, ngunit sa tingin ko, halos hindi sila nag-uusap at medyo kulang sila ng coordination sa isa’t isa. Ito nga ang wish ko na gagawin ni Neric, na pag-iisahin niya ang mga lider na ito at pag-uusapin niya.

Common sense lang na ang pag-kilos upang mapaganda ang kalikasan ay mapag-isa na. Walang kuwenta kung malinis ang tubig, kung madumi naman ang hangin. Malinis nga ang lupa, madumi naman ang tubig. Dagdag pa diyan, problema pa rin kung matindi ang ingay sa kapaligiran.
Konektado ang problema sa tubig, hangin, lupa at ingay. Kung walang tubig, lalung nagiging mainit ang panahon. Kung madumi ang hangin, lalung umiinit. At kung madumi ng lupa, lalung nagiging barado ang mga ilog, lawa at dagat, kaya nagiging mas matindi ang baha kung may bagyo.

Ang pollution ang isa sa mga dahilan kung bakit tumitindi ang climate change at global warming. Ang dalawang problema na ito ang nagiging sanhi rin kung bakit nagiging grabe na rin ang problema sa kahirapan at kawalan ng hanapbuhay.

Ayon kay Presidential front runner Noynoy Aquino, tatanggalin niya ang corruption upang mawala ang kahirapan. Magandang layunin yan, ngunit sana tanggalin niya rin ang pollution, dahil may kaugnayan din ang pollution sa pag-tindi ng kahirapan. Kapwa matinding problema ang corruption at pollution, kaya dapat sabay sabay itong tumbahin ni Noynoy, at hindi dapat paisa-isa ang kanyang pagbigay pansin sa problema.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

CASUAL HABANG BUHAY

BANTAY GOBYERNO SERIES 024
Ni Ka Iking Seneres

CASUAL HABANG BUHAY

Naalala ko ang unang trabaho ko sa San Miguel Corporation, kung saan naging permanent employee ako, at nag-resign lang ako dahil gusto ko samahan ang aking mga magulang sa probinsiya. Kung gusto ko lang, pwede n asana akong mag-trabaho doon hangagang mag-retire, dahil maganda ang suweldo ko, at libre pa ang hospital, may libreng bigas pa.

Naalala ko na mahal ko ang kumpanya, na tinawag pa naming na “Republic of San Miguel”, dahil mahal din kami ng kumpanya. Bilang ganti sa kagandahang loob at pangangalaga sa akin ng kumpanya, binigay ko sa aking trabaho ang lahat ng aking galing at talino, at alam ko na dahil sa husay ng trabaho ng mga kapwa ko kawani, gumanda rin ang takbo ng negosyo ng kumpanya.

Tatlong buwan lamang akong temporary employee sa San Miguel, pagkatapos ng tatlong buwan ay naging permanent employee na ako. Naalala ko rin na kakaunti lang sa mga kawani ang casual, dahil karamihan sa amin ay mga permanent employees. Alam ko na hanggang sa panahon na ito, marami pa rin ang mahusay na employer katulad ng San Miguel, ngunit marami na rin ang mga pasaway na kumpanya na lumalabag sa batas, dahil puro casual ang mga kawani nila, dahil nga sa contractualization.

Sa tingin ko, masyadong mapang-api ang contractualization, dahil ang mga manggagawa ay nagiging casual na lang habang buhay, at halos wala na silang pagkakataon na magiging permanent employees. Laging hanggang six months lang ang kanilang mga kontrata, at hindi pa nga tapos ang six months, kailangan na naman silang maghanap ng ibang trabaho. Ang masama pa diyan, hindi na sila maaring bumalik sa huli nilang employer.

Ayon sa mga labor experts, naging laganap daw ang contractualization dahil mas marami ang supply ng labor kumpara sa mga available na trabaho, kaya naging gawain na ng mga employer na kumuha na lamang ng casual employees, upang hindi na nila kailangan mag-bigay ng mga long term na benefits katulad ng pension. Tama ba ang kaisipan na ito? Mali ito sa tingin ko, at nangayayari lamang ito dahil sa kapabayaan ng Department of Labor (DOLE), na dapat pa ngang magtanggol sa karapatan ng mga maggagawa.
Sa susunod na mga buwan, may bago na tayong Presidente kaya sa tingin ko, magandang pagkakataon ito upang mapatupad na ang batas laban sa illegal na contractualization. Bibigyan pansin kaya ito ni Noynoy? Ayon sa kanyang pangako sa kampanya, aalisin niya ang corruption, dahil ito daw ang sanhi ng kahirapan. Sana maisip niya na ang contractualization ay isang uri ng corruption, at ito ay nagiging sanhi rin ng kahirapan.

Kung mahal ng mga empleyado ang kanilang kumpanya, mas maganda ang takbo ng kanilang trabaho at dahil diyan, gumaganda na rin ang takbo ng kanilang kumpanya. Sa mga nakakaintindi sa takbo ng ekonomiya, maganda rin ito, dahil kung tumataas ang productivity, lumalaki din ang yaman ng bayan.

Ang contractualization ay pabor lamang sa mga mayayaman na negosyante at pabigat ito sa mga mahihirap na mangagawa. Sana mapansin ni Noynoy na panahon na para makinabang naman ang mga tao sa bagong gobyerno.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

Monday, May 24, 2010

SIKSIKAN SA PNR

BANTAY GOBYERNO SERIES 023
Ni Ka Iking Seneres

SIKSIKAN SA PNR

Nagsumbong si Allan Hernandez, isang pasahero sa biyaheng Laguna ng Philippine National Railways (PNR) na siksikan na raw ngayon sa tren na sinasakyan niya, kahit bakasyon pa ang mga estudyante. Ano pa kaya ang tindi ng siksikan kung magbukas na ng klase? Ito ang tanong niya, dahil alam niya na maraming estudyante mula sa Laguna ang sumasakay ng tren papuntang Manila.

Sa nakaraang election, naging mahaba at matagal ang pila sa botohan, dahil hindi nagsagawa ang COMELEC ng tinatawag na “time and motion” study. Hindi nga kaya pumapasok sa utak ng gobyerno ang kahalagaan ng ganitong klaseng study? Sayang naman na naging moderno na ang mga tren ng PNR, ngunit hindi pa rin moderno ang utak ng mga nagpapatakbo nito.

Bago nga ang mga tren, madumi at mabaho naman ang mga comfort room sa mga estasyon ng tren, dagdag pa ni Allan. Ano ba naman yan? Hindi ba very basic lang yan sa isang public utility na maging malinis at maayos ang mga comfort rooms? Paaano na kung may mga turistang sumakay sa mga tren na ito? Ano ang kanilang sasabihin sa mga kababayan nila sa kanilang pag-uwi sa kanilang bansa?

Dahil sa pagtayo ng MRT at LRT, medyo nabawasan na ang trapik sa Metro Manila. Common sense lang ito, dahil kung maaayos at maganda naman ang takbo ng tren, maraming car owner ang hindi na gumagamit ng kotse at ang ibang pasahero naman ay lumilipat na mula sa bus at sumasakay na lamang sa tren. Hindi ba naisip ng gobyerno na kung maayos at maganda naman ang takbo ng PNR, mababawasan na rin ang trapik galing sa Laguna?

Malayo man ang koneksyon, may kaugnayan ang pagakakaroon ng maraming tren sa pagbawas ng air pollution sa Metro Manila. Simple din lang ang relasyon nito, dahil kung mas maraming tren, mababawasan na ang dami ng mga bus na malakas gumamit ng diesel, kaya matindi ang buga.

Dahil sa tindi ng init ng panahon ngayon, higit na mas maraming tao na ang nakakaintindi sa problema ng climate change at global warming. Sana ay maintindihan na rin ng gobyerno ang kaugnayan ng tren sa air pollution.
Ang PNR ay nasa ilalim ng poder ng Department of Transportation and Communications (DOTC). Kung hindi kaya ng DOTC na pangalagaan at bantayan ang mga ahensiya na nasa ilalim ng kanilang poder, dapat alisin na ang mga ahensiya na ito at ilipat sa iba, o di kaya ipagkatiwala na lang ang pamamahala sa pribadong sector.

Sa totoo lang parang halos wala namang nagagawa ang DOTC sa pagpa-unlad ng kalagayan ng transportation sa ating bansa. Kahit na ang mga provincial bus na nasa ilalim ng kanilang poder ay masama din ang condition, at marami pa ng sira o di kaya mahina ang air conditioner kaya kawawa naman ang mga pasahero na nagtiis sa mahabang biyahe.

Dapat magising na ang DOTC sa problema ng kakulangan ng tren sa PNR. Malaking pera marahil ang kailangan, kaya dapat matuto silang ipaglaban ang kanilang budget sa kongreso. Kung natatalo sila sa labanan ng budget, ang nagiging biktima ay ang mga pasahero na nahihirapan sa siksikan.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

Saturday, May 22, 2010

GOBYERNO DAPAT MAG-TEXT NA RIN

BANTAY GOBYERNO SERIES 022
Ni Ka Iking Seneres

GOBYERNO DAPAT MAG-TEXT NA RIN

Sa dami ng mga Pilipino na gumagamit ng cell phone, panahon na para sa gobyerno na gumamit na rin ng text messaging upang mapalaganap at mapaganda ang kanilang serbisyo sa publiko.

Ang mga tao ay sanay na na mag-text sa kapwa tao. Ang mga kawani naman ng gobyerno ay mga tao rin, kaya sanay na rin silang mag-text sa kapwa nila tao. Ang gobyerno ay hindi tao, ngunit marami naman silang mga kawani, mga taong sanay na rin mag-text sa kapwa tao.

Masaklap man sabihin, hindi pa nagagamit ng tama ng gobyerno ang simpleng technology ng telepono. Kahit ngayon na uso na ang mga call center at malaking bahagi na ito ng Business Process Outsourcing (BPO), hindi pa rin nakakabigay ng tamang serbisyo ang gobyerno sa pamamagitan ng telepono, at halos wala pa rin sa kanilang gumagamit ng call center.

Subukan mong tumawag sa kahit anong ahensiya ng gobyerno, at ipapasa-pasa ka lang sa iba’t ibang tao hanggang sa mapagod ka na. kung may makasagot man, sasabihin niyang hindi niya alam ang sagot sa tanong mo, o di kaya sasabihin niyang absent ang in-charge kaya tumawag ka na lang ulit.

Marami na rin ang ahensiya ng gobyerno na gumagamit ng 4 digit SMS gateway, katulad ng GSIS 4747, PHILHEALTH 2960 at PIA 1345. Sinubukan ko ang tatlong ito at walang nag-reply. May combined service ang gobyerno sa 2920, at doon may nag-reply. Ang problema sa 4 digit number, may bayad pa na 2.50 pesos, kaya ang dating, nagiging negosyo pag-bibigay ng serbisyo ng gobyerno. Ang pangit ng dating di ba?

Dalawang ahensiya lamang ng gobyerno ang alam ko na may 11 digit SMS number (hindi gateway at piso lang ang bayad). Ito ang PNP 09178475757 at LTFRB 09214487777. May sumasagot sa PNP, walang sumasagot sa LTFRB, kaya sayang lang ang piso ninyo. Parang palabas lang ang numero ng LTFRB, at nakakahiya pa.

Tao ang sumasagot sa numero ng PNP, at hindi computer. Maganda yan at tama yan, ngunit mas maganda at mas tama kung ang sumasagot ay halong computer at halong tao, kasi kung marami na ang nagtatanong, hindi na kaya ng tao na sumagot. Marahil yan ang dahilan kung bakit mabagal ang sagot ng tao na umasikaso sa akin sa PNP number, dahil matagal siya sumagot.

May mga software na ngayon kung saan maari nang sumagot ang isang kumpanya na pribado o di kaya isang ahensiya ng gobyerno sa pamamagitan ng text. Nakakabit na ito sa computer, kaya madali na ring pagsamahin ang pagsagot ng computer sa automated na paraan, ngunit may kasama pa rin na pagsagot ng tao sa manual na paraan.

Automated man o manual, dapat na talaga na ang gobyerno ay gumamit na ng text messaging, upang mapabilis at mapadali ang kanilang serbisyo sa mga tao. Dahil pangit ang dating, huwag n asana gumamit ang gobyerno ng 4 digit gateway number. Tama na kumita ang gobyerno sa taxes, huwag na silang doble kita kung may kita pa sila sa text. Kung gusto nila ng software, willing naman ako na tulungan sila.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

WALANG MOBILE POLICE PATROL CARS

BANTAY GOBYERNO SERIES 021
Ni Ka Iking Seneres

WALANG MOBILE POLICE PATROL CARS

Halos wala tayong nakikitang mga mobile police patrol cars sa mga lansangan. Kung minsan, may nakikita tayong mga patrol car sa mga malalaking kalye, ngunit kakaunti din lang. Sa mga maliliit na bayan, masuerte ka na kung makakita ka ng mga patrol car sa mga baryo. Bakit ba ganito ang nangyayari sa atin? Hindi ba tungkulin ng Philippine National Police (PNP) na bumili at magpakalat ng mga patrol cars?

Sa mga malalaking siyudad katulad ng Makati City, naging gawain na ng mga mayor na bumili ng mga police car upang ipamigay sa local PNP. Kung minsan, sagot na rin nila ang gasolina. Dahil sa kagandahang loob ng iilang mga matitinong mayor, nagkakaroon ng mga police cars na umiikot sa buong siyudad, upang mabantayan ang kaligtasan ng mga tao.

Sa mga maliliit na siyudad naman, kung wala silang ibinibigay sa local PNP, ay halos wala na rin tayong nakikitang police car, sa downtown man o sa baryo. Sa tingin ko, maliit man o malaki ang siyudad, dapat magkaroon ng mga police car, di bale kung sino ang bumili, ang siyudad man o ang PNP. Sa tingin ko, maliit man ang siyudad, dapat maghanap ng paraan ang mayor upang makabili ng police car, dahil priority dapat ang peace and order.

Sa aking pagkakaalam, may budget naman dapat ang PNP para sa pagbili ng mga police cars na dapat nilang pinamimigay sa mga local police units nila. Kung wala silang budget para sa ganito, ano pa ang silbi nila? Madalas yata mangyari na iniipit ng PNP headquarters ang perang pambili ng mga police cars, at ginagawmit sa ibang paraan o di kaya kinukurakot na lamang, kaya walang nabibili.

Attention Commission on Audit (COA): dapat kayong mag-audit upang mahuli ninyo ang kung sino man na umiipit ng budget para sa mga police cars. Kung ang budget nay an ay ginagamit sa ibang gastos maliban sa police cars, bawal yan at technical malversation yan at dapat kasuhan ang may kasalanan sa Ombudsman.

Attention House Speaker Prospero Nograles: dapat mong tingnan kung papaano ginagamit ng PNP ang budget para sa police cars. Kung kulang, dapat mong dagdagan. Kung mayroon at ginagamit sa ibang gastos, dapat mo sialng sitahin sa susunod na budget hearing. Tingnan mo na rin ang budget para sa gasoline. Papaano naman tatakbo ang mga kotse na yan kung walang gasolina?

Nag-reklamo ako sa complaints number ng PNP (+639178475757). Ang sagot sa akin, wala naman daw dapat problema kung tahimik naman ang lugar ko, at baka mayroon pa naman daw ibang lugar na dapat ikutan. Sinagot ko sila na duty ng PNP na umikot sa lahat ng mga lugar, at karapatan ko na maka-tanggap ng 24 hours police protection, dahil kapalit yan ng tax money na binabayaran ng mga mamamayan.

Ilang taon na nag-titiis ang mga tao na walang police cars sa mga lugar nila? Marahil, kakaunti lang ang nag-rereklamo, kaya dedma lang sila. Dapat na ngang mag-ingay ang mga kasapi ng Bantay Gobyerno upang magising sila. Kung walang nag-rereklamo, walang umaakto kaya walang nangyayari.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

Wednesday, May 19, 2010

FROM HONG KONG WITH LOVE

BANTAY GOBYERNO SERIES 020
Ni Ka Iking Seneres

FROM HONG KONG WITH LOVE

Ito ang sulat sa akin ni Julie Sarmiento, isang OFW sa Hong Kong: Nabasa ko po ang inyong ulat tungkol sa Bantay Gobyerno.Nakakalungkot nga po talaga na sa ating bansa maraming magagandang likas yaman pero hindi pinahahalagahan. Tama po kayo na kung magtulungan na lang at hindi magturuan ang bansang Pilipinas ay babangon sa kahirapan. Naka-kalungkot kasi pag nagbabakasyon kami diyan sa ating bansa ang sakit sa puso ang tanawin na sasalubong. Be alert po kayo sa dapat umupong President kung unrighteous uli baka wala nang pag-asa ang Pilipinas na magbago. Matakot sana sila sa dios hiling ko na sisiyasatisin ang katotohanan. Saludo po ako s inyong damdamin na nailahad ninyo sa news ng Remate Tonight. Sa akin na nakabasa lantad po ang pag-ibig ninyo sa bansa natin. Magtulungan po tayo at nawa'y mailabas ang tunay at katotohan at ang talagang pinili ng masa ang dapat maupo. Sa nangyaring dayaan sa nakalipas na eleksyon dalangin ko na ma-expose ang mga kasangkot, at mailantad ang katotohanan para sa aming pag-uwi magandang tanawin ang aming daratnan at maipagmamalaking bansang Perlas ng Silanganan. Na-touch po kasi ako sa mga sinulat ninyong malaman. Kung my pag-unawa at malasakit ang mga namumuno sa ating bansa maiintndhan nila mga nilathala ninyo. Thanks po sa life ninyo. Hayaan niyong susubaybayan ko uli ang mga susunod niyong isulat. Dalangin ko ang inyong proteksyon anumang oras ganun din po sa buong pamilya ninyo. Kayo po ang kailangan ng masa para mailantad ang saloobin namin na maliliit at simpleng mamayanan.Nakakamiss ang sariling bansa, lalo na ang pamilya, dahil sa hirap kalangan mangibang bansa. Nawa'y marami pang tulad ninyo na handang isulat sa madla ang saloobin para magising ang mga namamahala.

Matagal na akong sumusulat sa diyaryo ngunit ngayon lang ako nakatanggap ng isang liham mula sa isang reader na punong puno ng damdamin at hitik na hitik ng pagmamahal sa sariling bansa. Nangyari pa, ang liham ay nanggaling pa sa abroad. Nagulat at natuwa ako na marami pala ang nag-babasa ng Remate Tonight sa ibang bansa. Ano nga ba ang kaligayahan ng isang manunulat maliban pa sa pag-siwalat ng kanyang kaisipan? Hindi ba ito na yon, ang mainit na damdamin ng isang nagbabasa? Ang kaligayahan na ito ay hindi mabibili ng salapi.
Malaki ang pasasalamat ko sa Remate Tonight na nabigyan nila ako ng pagkakataon na mailabas ang Bantay Gobyerno. Sa tingin ko, matutupad na rin ang pangarap ko na ang isang diyaryo ay magiging instrumento sa pag-mungkahi ng kaayusan sa gobyerno, para sa kapakanan ng mga taong bayan.

Ano man ang sasabihin ng iba, dapat mabigyan pansin ng gobyerno ang pangamba ni Julie na nagkaroon nga ng dayaan sa eleksyon na nakalipas. Simpleng tao nga siya ayon sa kanya, si Julie ay kabilang sa maraming OFW na nagbibigay buhay sa bansa dahil sa kanilang mga remittances sa atin.

Ang layunin ng Bantay Gobyerno ay hindi manira sa mga opisyal ng pamahalaan. Ang layunin ko ay hindi maghanap ng away, kundi ang maghanap ng kabutihan para sa magandang pamamahala. Sana katulad ni Julie, mag-sumbong o di kaya mag-react na rin kayo sa mga isusulat ko, upang lumaganap at lumakas ang Bantay Gobyerno. Ang column na ito ay para sa lahat, handog sa inyo ng Remate Tonight.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com

Saturday, May 15, 2010

DAYAAN SA BILANGAN

BANTAY GOBYERNO SERIES 019
Ni Ka Iking Seneres

DAYAAN SA BILANGAN

Bago nagsimula ang election, sinabi ng COMELEC na 98% ready na sila. Nang matapos ang election, sinabi nila na ito ay “fairly successful” daw. Samantala, walang nangyari sa sinabi ni Chairman Jose Melo na dahil sa automation, kaya na raw niyang maglabas ng resulta sa loob ng dalawang araw.

Kung quantitative ang sinimulan ng COMELEC sa sinabi nila na 98% ready na sila, dapat quantitative din ang kanilang sabihin tungkol sa success ng election. Halimbawa, dapat nilang sabihin na 70% successful ito, sa halip na sabihin lang na “fairly successful” ito. Sa totoo lang, hindi sila ang dapat magsabi nito, halimbawa ang kongreso.

Ayon sa bidding rules ng COMELEC automation, dapat 99.995% percent ang accuracy ng pagbibilang ng makina na binili. In other words, kung hindi umabot sa 99.995% ang accuracy, hindi maaring sabihin ng COMELEC na matagumpay ang election. Sa madaling salita, dapat isang pagkakamali lang ang mangyari sa bawat 20,000 balota na bibilangin.

Sa mga praise release ng COMELEC, pinalabas nila na tama sila at mali ang kanilang mga kritiko, dahil “fairly successful” naman daw ang election. May mga kritiko din na nagsabi na nagkamali din sila, kahit ayaw nila magsabi ng “sorry”. Ako naman ay hindi pa na-convince na tama nga ang COMELEC, hanggang mapaliwanag nila kung bakit naging matagal ang pagbilang ng mga national candidates at kung bakit napakaraming report ng pandaraya sa pamamagitan ng PCOS.

Na-interview ko si Lito Atienza na dating mayor ng Manila at dating DENR Secretary. Sinabi ni Atienza sa akin na sa Random Manual Audit (RMA) na ginawa sa Manila, 8 PCOS ang nagkaroon ng problema, dahil naging iba ang resulta ng manual count at ng optical count. 30 PCOS ang dapat idadaan sa RMA, ngunit pinatigil na ng lumabas na 100% na ang mali sa 8 pa lang.

Sa press release na inilabas ni dating Pangulo Erap Estrada, sinabi niya na may nakita silang katibayan na ang ibang compact flash (CF) cards sa mga PCOS ay may pre-programmed na pandaraya.
Ang pandaraya sa pamamagitan ng pre-programming ay possible sa mga computerized system. Tama man o mali si Erap, dapat itong bigyan pansin ng COMELEC, dahil kung hindi ito mabigyan ng tamang action, baka lumaki ang duda ng mga tao sa automation dahil mawawalan na sila ng tiwala sa bagong sistema na ito.

Bakit kaya nagmadali ang COMELEC sa pagsabi na matagumpay na ang election samantalang mabagal din naman ang bilangan? Hindi kaya ang SMARTMATIC naman ang nag-aapura na mabayaran na? Baka naman may sabwatan na sila sa pagmamadali?

Para sa akin, hanggang mapatunayan na naging 99.995% talaga ang accuracy ng PCOS, hindi pa dapat bayaran ng buo ang SMARTMATIC. Ang kontrata sa kanila ay lease lamang na may kasamang services, at hindi naman binili ang mga makina. Katulad ng ibang lease agreement, may karapatan ang buyer na hindi magbayad hanggang siya ay masiyahan.

Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com