SOLUSYON SA ELEKSYON
BANTAY GOBYERNO SERIES 026
Ni Ka Iking Seneres
SOLUSYON SA ELEKSYON
Masyado nang naging technical ang mga issue tungkol sa mga dayaan na diumano ay nangyari sa nakaraan na eleksyon. Bagamat alam ko ang mga technical na paliwanag sa mga nangyari, mas mahalaga sa akin ngayon na talakayin kung ano at sino talaga ang dahilan kung bakit nagkaroon diumano ng dayaan.
Ayon sa mga experts ng computerization at automation, hindi dapat lahat ng proseso ay gawing computerized, kung hindi naman kailangan, kahit may computer pa na maaring gamitin. Ang sabi ng mga experts, ang dapat lang daw gawing computerized ay ang mga proseso na may manual procedures na. Dapat daw ay malaman muna kung ano ang manual, upang malaman kung alin sa mga proseso ang gagawing computerized.
Ayon din sa mga experts, garbage in, garbage out daw ang proseso sa computerization, na ang ibig sabihin ay kung ano ang ipinasok sa computer, ito din daw ang lalabas, ginawa lang na mas mabilis at mas mahusay ang pag-gawa.
Hindi pa uso ang computer, may mga mandaraya at kurakot na sa loob ng COMELEC. Ang tawag sa kanila ay mga OPERATOR, ibig sabihin, sila ang nag-ooperate upang mapanalo ang hindi naman dapat manalo, at matalo ang hindi naman dapat matalo. DAGDAG BAWAS ang kanilang operation, at malawak ang kanilang sindikato kahit wala pang computer.
Nangyari na nga ang hindi dapat mangyari. Marami ang nag-reklamo na nadaya nga sila, kaya mukhang may batayan naman ang kanilang reklamo. Sa tingin ko, nangyari ito dahil hindi naman inalis ang mga OPERATOR sa COMELEC, kahit naglagay pa ng mga computer. Ang nangyari pa nga, parang bumilis pa ang ginawang pandaraya ng mga OPERATOR, dahil naging computerized na rin sila.
Isang taon bago mag-eleksyon may sinulat ako tungkol sa dalawampung paraan na maaring gamitin upang mandaya sa eleksyon. Hindi ako masaya na halos nangyari ang lahat ng paraan ng pandaraya na isinulat ko. Ayaw ko na magyabang na tama ako, dahil hindi maganda ang nangyari.
Narinig ko na may mga OPERATOR sa loob ng COMELEC na kasama sa pagpatupad ng computerization, kaya nakahanap sila ng paraan upang magkaroon ng puwang na pumasok ang mga tauhan nila, upang magawa nila ang dati na nilang ginagawa. Kung talagang gusto natin na gawing malinis ang computerization para sa eleksyon, dapat tanggalin na talaga ang mga OPERATOR na ito.
Unfair naman sabihin na kaya nanalo ang mga na-proklama ay dahil nandaya sila. Ang dapat diyan, mag-labas ng evidence ang mga may reklamo, upang madaan sa tamang proseso ng batas. Pangit naman kung puro akusasyon at haka-haka lang ang gawing batayan, dahil may mga batas naman tayo na dapat sundin.
Mali ding sabihin na ang hindi nanguna sa survey ay walang batayan na manalo. Kung ganyan ang ating pag-iisip, huwag na tayong mag-eleksyon at mag-survey na lang tayo. Ang survey ay sukatan lamang at hindi batayan.
Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com