SPAM SA TEXT SOBRA NA
BANTAY GOBYERNO SERIES 014
Ni Ka Iking Seneres
SPAM SA TEXT SOBRA NA
Nagsumbong si Virgs Tudla na sobra na daw ang dami ng natatangap niyang mga spam messages sa kanyang cell phone, at marami sa mga messages ay mga black propaganda galing sa mga kampo ng pulitiko. Nagtanong si Virgs kung saan kumukuha ng mga number ang mga nagpapadala ng spam. Ang sabi ko, malaking negosyo ang pag-bebenta ng mga cell numbers, at maari pa nga na ang mga telco pa ang nag-bebenta ng mga ito.
Ako rin ay maraming natatanggap na spam messages, at kasama na rin dito ang mga messages na padala ng mga telco mismo, para sa kanilang mga promo. Akala ko ba pinagbawal na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang spam messages? Kung hindi kaya ng NTC na ipatupad ang sarili nilang patakaran, ano pa kaya ang silbi nila?
Bilang isang consumer advocate, minumungkahi ko na hindi lamang ang NTC ang dapat magbantay sa kapakanan ng mga tao kung tungkol sa cell phone services, dahil dapat sumama na rin sa pagbabantay ang Department of Trade & Industry (DTI). Simple lang ang reason ko, dahil ang cell phone services ay isang industriya kaya sakop pa rin ito ng DTI.
Ganyan din ang pananaw ko bilang isang consumer advocate pagdating sa gamot. Hindi lamang ang Department of Health (DOH) ang dapat na nagbabantay ng kapakanan ng mga tao tungkol sa gamot, kasama na rin dapat ang DTI. Pareho din lang ang reason ko, dahil ang mga gamot ay mga produkto na binibili ng tao, kaya sakop pa rin dapat ng DTI.
Mukhang mahirap bantayan ang spam messages galing sa mga pulitiko, ngunit parang madali lang bantayan ang mga messages galing sa mga telco mismo, dahil sila din ang nagpapadala ng mga messages na ito, at alam naman nila na ginagawa nila ito. Naisip ko lang, bakit hindi ang mga telco ang magbayad sa mga users kung sila ang nagapapadala ng spam?
Simple din lang ang reason ko sa idea ko. Hindi ba ang spam ay isang uri ng advertising? Kung nagbabayad ang mga telco para mag-advertise sa TV at sa radio, bakit hindi sila magbayad kung sila ay mag-advertise sa text? Huwag nilang sabihin na dapat libre sila, dahil ang mga tao ang may-ari ng mga unit. Hindi ba kayo na-iistorbo tuwing kayo ay nakakatanggap ng spam message galing sa telco? Istorbo nga, kaya dapat lang magbayad sila, dahil may pakinabang naman sila sa pagbenta ng kanilang mga promo.
Ang ibig ko sabihin ng pagbabayad nila, ay magbigay na lang sila ng extra na load tuwing sila ay magpapadala ng spam. Sa bawat spam na pinapadala nila, magbigay na lang sila ng piso na load, para patas na ang laban natin, kahit pa ma-istorbo tayo.
Good luck sa National Council for Commuter Protection (NCCP) sa pag-takbo nila bilang party list number 163. Kasama natin sila sa advocacy dahil ang commuter protection ay kakambal ng consumer protection. Dagdag pa sa sinabi ko, dapat magbantay na rin sa kapakanan ng tao ang DTI pagdating sa transport services, dahil ang transportation ay isang industriya na sakop din ng DTI, kaya hindi lamang Department of Transportation & Communications (DOTC) ang dapat na magbantay.
Mag-sumbong kayo kay Ka Iking kung may nakikita kayong kamalian sa gobyerno. Lahat tayo ay dapat mag Bantay Gobyerno! Mag text kayo sa +639293605140 o di kaya mag-email kayo sa iseneres@yahoo.com